Sunday, August 5, 2012

Ang Tahimik na Pagbabalik sa Sarili

 Nais kong matagpuan ang sarili sa isang hindi mapupuntahang lugar gaya nito...





Sa paghahangad kong magakaroon lagi ng "kaugnayan at kaulayaw," nalimutan ko na kung paano ang maging mag-isa nang masaya. Sa tuwing naglalakad ako, mas napapansin ko ang dalawang paa sa harap ko kaysa sa nag-iisang daan na dapat kong tahakin. Higit kailanman ngayon ang tamang pagkakataon upang matutong maglakbay nang walang inaasahang tungkod, mapa, kompas o kamay na maliban sa pag-aari. Ngayon ang pinakamainam na oras upang maunawaan ang halaga ng anino -- ang tanging hindi magagawang mang-iwan sa iyo lalo na sa sandaling tirik na tirik ang haring araw.




Ngayong wala akong kausap, dinig na dinig ko ang bulong ng apat na sulok ng silid na ito -- ako at ako lamang ang pupuno sa nakakahong espasyong ito. Wala na akong kasama pero hindi ibig sabihing walang saysay ang kayang punan ng sarili ko sa lugar na ito.




Sapat na sapat ang sarili ngayong nakaupo ako sa puwesto na dating inokupa ng ibang tao.




Hindi ako makapaghintay sa mga susunod na mangyayari.

Hanggang sa muli...